Thursday, March 8, 2018

KABANATA 1

Kabanata 1
ANG SULIRANIN
Kaligiran at Layunin ng Pag–aaral
Ang edukasyon ay susi ng tagumpay. Ito ang pamana sa atin ng ating mga magulang na hindi mananakaw ng sino man. Magsisilbi itong pundasyon upang maging isang matatag na indibidwal na handang suungin ang hamon ng buhay upang sa gayon ay magkaroon ng magandang kinabukasan.
Napakahalaga ng edukasyon lalo na sa mga kabataan. Ayon kay Harrienica Hofilena, kung ang lupa ay alaga sa pataba, higit ding lulusog ang binhing tumutubo rito. Tutubuan ito ng malalaking ugat na hindi mabubuwag ang pagkakakapit sa lupa. Magkakaroon ito ng matibay na pundasyon at hindi mabilang na mga sanga kung saan tutubo ang malalago nitong dahon at ang malaki nitong bunga. Ang binhing ito ay ang kabataan. Upang mapayabong pa ang kahalagahan at karapatan ng lahat sa edukasyon, isinaad sa
Artikulo XIV, Seksyon 1 ng Saligang Batas ng 1987 ng Pilipinas; ‘‘Dapat pangalagaan at itaguyod ng Estado ang karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa mahusay na edukasyon sa lahat ng antas at dapat magsagawang angkop na mga hakbang upang matamo ng lahat ng gayong edukasyon.”
Ang pagpapahalaga sa edukasyon ay isang aspeto upang lalong umunlad ang bansa. Ang karapatan ng lahat ng mga mamamayan ay nabibigyang diin dahil napapalago ang kaniyang kakayahan. Upang matamo ng lahat ng mamamayan ang mahusay na edukasyon kailangang pantay ang pagpapahalaga ng karapatan ng bawat isa. Ang pagpapayabong sa kahalagahan at karapatan lahat ng mga mamamayan sa edukasyon ang isinasaalang-alang ng Artikulo XIV, Sekyon 1 ng Saligang Batas ng 1987 ng Pilipinas. Kailangan ng mga hakbang upang matamo ang karapatan na pinapapahalagahan. Isa sa mga hakbang na ito ay ang mga programa sa edukasyon na inilatag ng DepEd at CHED sa tulong at pakikipag-ugnayan sa ating gobyerno.
Kasabay din nitong pinagigting ang pagpapaunlad sa wikang pambansa bilang wikang pampagtuturo. Alinsunod sa
Artikulo XIV, Seksyon 6 ng Saligang Batas ng 1987 ng Pilipinas; “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa sa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.”
Noong 1987, itinatag ang Wikang Filipino bilang Wikang Pambansa ni Pangulong Manuel L. Quezon. Bilang pagbibigay ng halaga at upang pagyabungin ang wikang Filipino, pinagtibay ito ng Artikulo XIV, Sekyon 6 ng Saligang Batas ng 1987 ng Pilipinas. Ang wikang ito ang umiiral na wika sa Pilipinas kung gayon, nararapat lamang na pagyamanin ito dahil sinasalamin nito ang kultura ng bansa. Ito ang dahilan kung bakit paano at nagkaroon ng komunikasyon ang bawat tao sa Pilipinas. Ang pag-aaral ng wika ay isa lamang sa mga paraan upang mapagyaman ang wika. Mabibigayang halaga ang Wikang Filipino sa pamamagitan ng paggamit nito sa araw-araw.
Ang pag-aaral sa lawak ng wikang Filipino ay hindi lamang tungkol sa istruktura nito. Kabilang din dito ang tinatawag na panitikan. Ang panitikan ay tumatalakay sa buhay, pamumuhay, pamahalaan, lipunan, pananampalataya, at mga karanasang kaugnay ng iba’t ibang uri ng damdamin ng tao katulad ng pag-ibig, kaligayahan, kalungkutan, pag-asa, pagkabigo, pagkapoot, paghihimagsik, sindak at pangamba.1
 Ang panitikan ay ang mga nakasulat na akda hango sa mga imahinasyon o karanasan na likha ng mga makatang manunulat. Sinasalamin nito ang tradisyon at kultura ng mga manunulat. Makikita sa mga akda ang malikhaing pag-iisip na taglay nga mga Pilipino.2
Mahalaga ang panitikan, katulad ito ng isang walang katapusang daloy ng tubig sa batis. Mabisang lakas ito na tumutulong sa pag-unlad ng sibilisasyon at lipunan ng bawat bansa. Magwawakas lamang ito kung ang mga nakalimbag na titik ay maglalaho na sa daigdig at kung ano ang mga nakalimbag na titik ay maglalaho na sa daigdig at kung ano ang mga tao ay mawawalan ng kakayahang makapagpahayag ng kaisipan, damdamin at karanasan. 3
Kinakailangan na pag-aralan ang panitikang Pilipino upang makilala ang yamang taglay na katalinuhan ng lahing pinagmulan. Ito’y isang paraan upang maipagmalaki ang marangal na tradisyon at kultura ng Pilipinas. Bagamat may impluwensiya na ito ng ibang kabihasnang nanggaling sa ibang bansa nananatili pa rin ang angking istilo ng mga Pilipinong manunulat. Ang angking galing sa pagsulat ay sumasalamin sa pagkamakabayan ng mga Pilipino.
Ayon kina Paz N. Nicasio at Federico B. Sebastian ang panitikan ay kabuuan ng mga karanasan ng isang bansa, mga kaugalian, paniniwala, pamahiin, kaisipan at pangarap ng isang lahi na ipinahahayag sa mga piling salita, sa isang maganda at masining na paraan, nakasulat man o hindi.
Ang patula ay isa sa mga uri ng panitikang nasusulat nang pasaknong. Nabubuo ito sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng maanyong salita sa mga taludtod na may sukat o bilang ng mga pantig at pagtutugma ng mga salita sa hulihan ng mga taludtod sa bawat saknong. Kabilang dito ang mga sumusunod: tulang liriko, tulang pasalaysay, tulang pantanghalan, at tulang patnigan.4
Pinapahayag ng mga manunulat ang mga ideya na nasa kanilang isipan sa pamamagitan ng paggamit ng mga maretorikal na paraan. Ang kaugalian, paniniwala at pamahiin ng isang bansa ang pinagkukuhanan ng mga ideya o impormasyon upang makabuo ng isang katha, kung saan ang katha na ito ay magiging isa mga kontribusyon sa panitikan ng Pilipinas.
Isa ang tula sa mga panitikan ng mga Pilipino. Isang katutubong hilig ng mga Pilipino ang pagtula. Katunayan bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, may mga tula na binibigkas ang mga Pilipino tulad ng bugtong, salawikain, tugmaang bayan at bulong. May mahaba ring tulang pasalaysay na tinatawag na epiko. Itinuturing ang mga ito na ugat ng mga tula na patuloy pa ring binibigkas ng mga Pilipinong hanggang sa kasalukuyang panahon. 5
Ang mga ugat ng tula ang nagpapatunay na mayaman na ang kultura ng Pilipinas sa panitikan. Ang patuloy na pagbigkas ng mga tula ang nagpapatibay na buhay pa ang nasimulan na yaman ng kultura sa bansa.
Sa pagdaan ng mga dantaon, nagbago ang anyo at estilo ng tulang Pilipino. Bunga ito ng impluwensya ng panitikang dayuhang pumasok sa ating bansa. Datapwat nananatili pa rin ang kalikasan ng panulaang Pilipino sa kabila ng naturang pagbabago. Patuloy na umuunlad ang tula hanggang sa magkaroon ng iba’t ibang uri ng kaanyuan. 6
Dahil sa mga dayuhang sumakop sa ating bansa, naimpluwensiyahan ang panitikan ng Pilipinas. Bilang resulta ng pananakop at nang pagpababago ng panahon, umunlad ang tula sa Panitikang Pilipino.
Sa pagsulat ng tula, mahalaga ang paggamit ng simbolismo at tayutay upang lalong maging makulay at mabisa ang nilalaman ng tula. Ang simbolismo at tayutay ay isang estilong ginagamitan ng malawak na pag-iisip, imahinasyon at kasanayan sa pagpapahayag. Mayaman ang panitikang Filipino sa mga akdang naglalaman ng simbolismo at tayutay. Ang tula ay isang uri ng panitikan na binubuo ng mga saknong at mga taludtod. Ito ay nagpapahayag ng damdamin ng isang tao. Pinagyayaman ito sa pamamagitan ng paggamit ng simbolismo at tayutay. Matatagpuan dito ang mga matatalinhagang salita kung saan nakatago ang tunay na kahulugan.
Ayon kay Gayley, Young at Kurtz ito ay isang pagbabagong hugis sa buhay – isang paglalarawan ng buhay na hinango sa guni-guni na pinararating sa ating damdamin at ipinahahayag sa pananalitang nag-aangkin ng tumpak na aliw-iw at lalong mainam kung sa mga sukat ng taludtod. 7
Tunay na ang tula ay kaugnay na ng ating kasaysayan. Kaugnay na ng pagbabago ng mundo. Kasama na rito ang ating mga akdang pampanitikan lalong higit ang tula. Kung minsan ito ay nilalapatan ng malikhaing guni-guni na ipinararating sa ating damdamin sa pamamagitan ng mga tayutay at simbolismo.
Ayon kay Balmaceda, ang tula ay kaisipang naglalarawan ng kagandahan ng kariktan, ng kadakilaan, tatlong bagay na kailangang magkatipun-tipon sa isang kaisipan upang mag-angkin ng karapatang matatawag na tula.
Ang paglikha ng isang tula ay tunay at higit na maituturing na isang masining lalo’t higit kung ito’y may kaisipang maglarawan ng isang katotohanan. Ito rin ay instrumento upang maglahad ng masidhing damdamin.
Binigyang pansin din ni Inigo Ed Regalado, ang kariktang makikita sa tula. Ayon sa kaniya, ang tula ay kagandahan, diwa, katas, larawan, at kabuuan ng tanang kariktang makikita sa silong ng alin mang langit.8
Ang simbolismo at tayutay ay magkahawig ngunit mayroon ding pagkakaiba. Ang simbolismo ay ang paggamit ng mga simbolo upang magpahiwatig ng mga ideya at katangian sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kahulugan na iba mula sa kanilang literal na kahulugan. Ang simbolo ay maaaring nagmula sa ating mga ninuno o di kaya’y nilikha lamang. Ito ay maaaring payak lamang ngunit may malalim na ibig sabihin.
Sa madaling salita ang simbolismo ay nagmula sa ating mga ninuno na binibigkas nila sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang simbolismo ay salitang may malalim na pakahulugan sa isang tula na mababatid lamang ng isang mapanuring mambabasa.
Samantala, ang tayutay ay isang pahayag na sadyang masining at kaakit-akit. Ito ay naghahayag ng makulay at mabisang pagpapakahulugan. Ang tayutay ay sadyang paglihis. 9
Ang tayutay naman ay isang masining at kaakit-akit sa pandinig ng mga tao. Isa kang makatang maituturing kung ikaw ay malimit gumamit ng mga tayutay at simbolismo sa iyong mga pahayag. Ang tayutay ay isang sinadyang paglayo sa karaniwang paggamit ng mga salita upang gawing mabisa, matalinghaga, makulay, at kaakit-akit ang pagpapahayag.
Ang simbolismo ay naglalahad sa mga bagay, damdamin, at kaisipan sa pamamagitan ng sagisag. Ang mga kathang may ganitong pamamaraan ay nagpapaliwanag ng mga nakakubling kahulugan ng pangkaluluwa at pangkaisipan. Mahilig ang mga manunulat na sumusunod sa pamamaraang ito sa mga bagay na mahiwaga. Gumagamit sila ng laya sa pagbalangkas ng katha at sa pag-uugnay kaya’t ang mga marami sa kanilang mga sinulat ay malayang tula.10
Ang mga manunulat na gumagamit ng simbolismo ay tunay na may pinagkukunan ng malalim na dahilan kung bakit nila ito ginamit sa isang piling akda. Maaring sila ang mismong nakaranas ng kaparehas na sitwasyon. O kaya naman ay dahil sa kanilang malikhaing pag-iisip. Ang ganitong pag-uugali ng isang manunulat ay maituturing masining.

Balangkas Pang-Teoretikal
             Mula sa Bernales, et al., 2002, dapat liwanagin sa puntong ito ng pag –aaral na ang talinhagang binabanggit ay ang mismong tayutay rin naman sa ibang lumang librong mababasa, lalo na sa larangan ng panitikan.
            Ang salitang talinghaga ay mula sa mga salitang “talino” at “hiwaga” na ang ibig sabihin ay isang pahayag na hindi tahasang ibinibigay ang kahulugan – nakatago o hindi lantad. Sa ganitong paraan magkakaroon ng isang masusing pagbasa ang mga mambabasa sa isang akda upang malaman ang tunay na pakahulugan at nilalaman ng isang matalinhagang salita.
Ayon kay Eugene Evasco at Will Ortiz (2008), ang tula ay sinasabi ring uri ng sining na may wikang nagsasaad ng higit pa kaysa sa ordinaryong pamamahayag. Karaniwang paraan ng pagsasabi nito ay sa higit na kaunting salita at higit na kaunting espasyo. Pinayayabong ang anyo ng tula sa pamamagitan ng paggamit ng talinghaga. Nagpapahayag ang tula ng isang ideya o damdamin sa isang wikang matalinghaga. Kapag sinabing matalinghaga, may higit itong kahulugan kaysa literal nitong sinasabi.
Sinasabing ang tula ay isang akdang pampanitikan na tinuturing na sining. Hindi ordinary ang paggawa nito. Kinakailangan nito ng malikhaing pag-iisip upang makabuo ng isang magandang sulatin katulad ng tula.
Ayon kay Fernando B. Monleon, mula kay Lord Macaulay, “Ang pagtula’y panggagagad, at ito’y kahawig ng sining ng pagguhit, paglililok at pagtatanghal. Ang kasaklawan ng pagtula ay higit na malawak kaysa alin man sa ibang gagad na mga sining, pagsama-samahin man ang mga iyon.” 11
Ang sining na makikita sa tula ay masusuri sa mga simbolismo at tayutay na siyang nang-aakit sa mga mapanuring mambabasa upang basahin ang mga tulang likha ng mga manunulat.
 Ayon kay Bisa sa kaniyang librong Retorika: Para sa Mabisa at Masining na Pagsulat, ang mga ito ay may kasangkapang panretorika na mahahati sa dalawa: kasangkapan sa paglikha ng tunog o musika, at kasangkapan sa pagpapasidhi ng guniguni at damdamin. Para kay Bisa, apat ang mga kasangkapang panretorika sa paglikha ng tunog o musika: Aliterasyon, Asonans, Konsonans at Onomatopiya.
Gamit ang mga kasangkapang ito mas mapapasidhi at mabibigyang sining ang isang tula.
Tulad ni Bisa, may binanggit din si Alejandro tungkol sa pag –uulit, ngunit hindi lamang tunog kundi buong salita. Kabilang dito ang Anapora, Epipora, at Anadiplosis.
Sa pagtukoy sa mga talinhaga para sa pagpapasidhi ng guniguni at damdamin, pito (7) ang binanggit ni Alejandro, sampu (10) ang kay Bisa, dalawampu (20) naman kay Sebastian at isandaang (100) natipon ni Monleon. 12
Ayon kay Cornell, apat ang sangkap ng tula. Una ay tungkol sa damdamin, ikalawa ay tungkol sa guni-guni, ikatlo ay tungkol sa kaisipan at ang ika-apat ay tungkol sa pananalita. Batay naman sa istruktura, ang tula ay may sukat, tugma, kagandahan o kariktan at makabuluhang diwa. Ito ang ikinaiba ng tula sa tuluyan.13
Mas maganda ang isang tula kung gagamit ang manunulat ng sariling damdamin o sariling karanasan na lalagyan ng kanilang mga malikhaing guni-guni. Mahalaga rin sa isang tula ang malawak na kaisipan ng manunulat at ang ayos ng pananalita ng manunulat. Kung ito ba ay makasasakit ng damdamin ng mambabasa o makatutulong ba ito sa kanila.

Balangkas Pangkaisipan
            Ang mga mananaliksik ay bumuo ng isang modelo na nagpapakita ng mga impormasyon patungkol sa antas ng kaalaman sa pagtukoy ng mga simbolismo at mga tayutay sa mga tula ng ikapitong baitang ng Laboratory School URS Tanay.
            Ang unang kahon (lagak) ay nagpapakita ng lagak na naglalaman ng mga propayl ng mga tagatugon. Ang kanilang kasarian, marka sa Filipino 7 ng una at ikalawang markahan, pang-ilan sa mga magkakapatid, mga babasahin sa loob ng tahanan o bahay at ang edukasyon ng mga magulang ng nasabing tagatugon. Ito rin ay nagpapakita ng antas ng kaalaman ng pagtukoy ng mga simbolismo at mga tayutay sa mga piling tula.
            Ang ikalawang kahon (pamamaraan) ay nagpapakita ng pagsusuri sa antas ng kaalaman sa pagtukoy ng mga simbolismo at mga tayutay sa mga tula ng ikapitong baitang ng Laboratory School URS Tanay. Ito ay sa pamamagitan ng pagsasagot ng talatanungan ng mga tagatugon, pagwawasto ng kanilang mga kasagutan, pagtatali ng marka, pagsusuri sa mga nakuhang datos at ang pag-aanalisa nito. 
            Ang ikatlong kahon (resulta) ay nagpapakita sa resulta ng pagsusuri ng antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa pagtukoy ng tayutay at simbolismo kung ipapangkat ayon sa kanilang propayl.
            Ang arrow (pidbak) naman ay sumisimbolo ng pagkakaugnay-ugnay ng bawat aspeto at ang pidbak naman ang nagpapakita ng relasyon ng bawat isa upang matamo ang kinalalabasan ng pag-aaral.



Balangkas Pangkaisipan


- Pagpapasagot sa pagsusulit/talatanungan
-  Pagwawasto
- Pagtatali ng marka
- Pag-aanalisa at
- Pagsusuri sa mga datos.



Matututukoy ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa pagtukoy ng tayutay at simbolismo kung ipapangkat ayon sa kanilang propayl.


Propayl ng mga tagatugon
a.    kasarian,
b.    marka sa Filipino 7
c.    pang-ilan sa magkakapatid
d.    mga babasahin sa bahay
e.    edukasyon ng mga magulang?

Antas ng kaalaman sa pagtukoy ng mga simbolismo at ng mga tayutay sa mga tula
a.    tayutay at
b.    simbolismo.

             LAGAK                                  PAMAMARAAN                         RESULTA








Pidbak

Pigura 1
Modelong Pangkaisipan na Nagpapakita ng Antas ng Kaalaman sa Pagtukoy ng mga Simbolismo at mga Tayutay sa mga Tula ng Ikapitong Baitang ng Laboratory School URS Tanay

 


Paglalahad ng mga Suliranin
            Ang pag-aaral na ito ay naglalayong malaman ang antas ng kaalaman sa pagtukoy ng mga simbolismo at mga tayutay sa mga piling tula ng ikapitong baitang ng Laboratory School URS Tanay sa pamamagitan ng mga sumusunod na katanungan:
1.    Ano ang propayl ng mga tagatugon ayon sa
1.1  kasarian,
1.2  marka sa Filipino 7;
1.2.1     Unang markahan,
1.2.2     Ikalawang markhan,
1.3  pang-ilan sa magkakapatid,
1.4  mga babasahin sa bahay, at
1.5  edukasyon ng mga magulang?
2.    Ano ang antas ng kaalaman sa pagtukoy ng mga mag-aaral ng mga simbolismo at mga tayutay sa mga piling tula ng ikapitong baitang sa pagtukoy ng:
2.1  simbolismo at
2.2  tayutay?
3.    Ano ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa pagtukoy ng tayutay at simbolismo kung ipapangkat ayon sa kanilang propayl?
Haka ng Pag-aaral
Sa pag-aaral na ito, mahihinuha na; ang taas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa ikapitong baitang sa pagtukoy sa mga simbolismo at tayutay sa mga tula mula sa ebalwasyon ng mga tagatugon ay:
1.    Mataas ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa simbolismo at tayutay.
Saklaw at Limitasyon ng Pag-aaral
            Ang pag-aaral ay sumasaklaw sa antas ng kaalaman sa pagtukoy ng mga simbolismo at mga tayutay sa mga tula mula sa ilang mga sikat na manunulat ng ikapitong baitang ng Laboratory School URS Tanay. Ito ay kinapapalooban ng mga mag-aaral sa ikapitong baitang na may bilang na ­­­­siyamnapu’t tatlong (93) mag-aaral ng Laboratory School URS Tanay. Ngunit ito ay nabawasan ng sampu (10) sapagkat ginamit ito ng mga mananaliksik upang maging tagabalido ng kanilang talatanungan. Kaya naman ang kabuuang tagatugon ng mga mananaliksik ay walumpu’t tatlong (83) mag-aaral.
Ang baryabol na gagamitin sa pag-aaral ay ang propayl ng mga tagatugon. Sinukat ng mga mananaliksik ang kaalaman ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng kasarian, marka sa Filipino 7; una at ikalawang markhan, pang-ilan sa magkakapatid, mga babasahin sa bahay at edukasyon ng mga magulang.
Ang instrumentong ginamit ay ang talatanungan na inihanda ng mga mananaliksik. Ang talatanungan ay binalido ng sampung mga mag-aaral mula sa ikapitong antas. Ito rin ay ibinalido ng mga gurong eksperto sa asignaturang Filipino. Ang mga tagatugon sa pag-aaral na ito ay nagsagot ng mga tanong patungkol sa mga piling tula na ginamitan ng mga simbolismo at mga tayutay. Ang mga tulang ginamit ng mga mananaliksik ay mula sa mga sikat na mga tula o di kaya’y sikat na mga manunulat.
            Sinukat ng mga mananaliksik ang antas ng kaalaman ng mga mga-aaral sa ikapitong baitang batay sa naging marka ng bawat tagatugon. Mula sa Hindi Sapat ang Kaalaman sa Pagtukoy (HSKP) na may markang 74 pababa, susundan ng Mababa ang Kaalaman sa Pagtukoy (MKP) na may markang 75-79, susundan ng Katamtaman ang Kaalaman sa Pagtukoy (KKP) na may markang 80-84, susundan ng Sapat ang Kaalaman sa Pagtukoy (SKP) na may markang 85-89, ang huli ay ang Mataas ang Kaalaman sa Pagtukoy (MKP) na may markang 90-100,

Katuturan ng mga Katawagang Ginamit sa Pag-aaral
            Ang tagatugon ay tagasagot sa mga talatanungan ng mga mananaliksik.
Ang simbolismo ay mga salita sa tula na may kahulugan sa mapanuring isipan ng mambabasa.
            Ang tayutay ay isang matalinhagang pahayag na sadyang masining at kaakit-akit.
            Ang antas ay pagsukat o batayan ng tagatugon.
            Ang kaalaman ay kakayahang makakuha ng isang tao, sa pamamagitan ng kaniyang karanasan.
Ang aliterasyon ay pag-uulit ng mga tunog-katinig sa inisyal na bahagi ng salita.
Ang asonans ay pag-uulit naman ito ng mga tunog-patinig sa alin mang bahagi ng salita.
Ang konsonans ay katulad ng aliterasyon, pag-uulit ng mga katinig, ngunit sa bahaging pinal naman.
Ang onomatopiya ay sa pamamagitan ng tunog o himig ng salita ay nagagawang maihatid ang kahulugan nito.
Ang anapora ay pag-uulit naman ito sa huling bahagi ng pahayag o ng isang taludtod.
Ang epipora ay pag-uulit naman ito sa huling bahagi ng pahayag o taludtod.
Ang anadiplosis ay ang pag-uulit ay sa una at huli.
Ang pagtutulad o simili ay hindi tuwirang pagahahambing ito ng magkaibang bagay, tao o pangyayari.
Ang pagwawangis o metapora ay tuwirang paghahambing.
Ang pagbibigay-katauhan o personipikasyon ay inaaaring tao rito ang mga bagay na walang buhay sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga ito ng mga gawi o kilos ng tao.
Ang pagmamalabis o hayperboli ay lagpas sa katotohanan o eksaherado ang mga pahayag kung pakasusuriin.
Ang pagpapalit-tawag o metonimi ay pagpapalit ng katawagan o ngalan sa bagay na tinutukoy.
Ang pagpapalit-saklaw o sinekdoki ay binabanggit ditto ang bahagi bilang pagtukoy sa kabuuan.
Ang pag-uuyam o ironiya ay may layuning mangutya ito ngunit itinatago sa paraang waring nagbibigay-puri.







Mga Sanggunian
                        1Sauco, Consolation P. et., al. (2009) Panitikan ng Pilipinas, Pag-antas Tersyaryo, Las Pinas City; Booktime Publication

2Jocson, Magdalena G.; Villafuerte, Patrocinio V. at Alcara, Cid V. Pagbasa at Pagsulat tungo sa Pananaliksik, Ang Tula, Filipino 2

3tulad ng bilang 2

4Natividad, Pablo E.; Simbulan, Moises B.; at Academia, Ester P. Panitikang Pilipino,

5tulad ng bilang 4

6Regalado, Inigo Ed. Kahulugan ng tula, kinuha mula sa https://www.scrib.com/mobile/doc/20139146/Ano-ang-tula. Kinuha noong Disyembre 15, 2017

7 Bernales, Rolando A. at Bernardino, Elyria C., Retorika: Ang sining ng Pagpapahayag, Mga Tayutay, pahina 40-44
.
8Natividad, Pablo E.; Simbulan, Moises B.; at Academia, Ester P. Panitikang Pilipino, Mga Tula at Akdang Ukol sa Tula; 9. Simbolismo, pahina 20.

9tulad ng bilang 7

10tulad ng bilang 1

11tulad ng bilang 1

12tulad ng bilang 2


13tulad ng bilang 2


No comments:

Post a Comment

KABANATA 2

PAMAMARAAN AT KAGAMITAN NG PAG-AARAL             Sa kabanatang ito ilalahad ang disenyo at mga paraang ginamit sa pananaliksik, tagatug...